Inihahandog uli ng Kapisanan ng mga Bahay-Saliksikan sa Bansa (Kabansa) ang Webinar Series nito para sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan ngayong Agosto 2022. Una sa serye ang talakay ng direktor ng Marinduque Sentro ng Wika at Kultura (SWK) tungkol sa Panimulang Araling Pang-isla at Pangkapuluan.” Ibinahagi ni Dr. Randy Nobleza, pinuno ng Marinduque State College (MSC) SWK ang “Pag-ibayo ng Cultural Education at Heritage Studies sa Marinduque at Mimaropa” sa pamamagitan ng online platform at livestream ng Kabansa sa tulong ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP) at Local Historical Committees Network (LHCN).

Kamakailan ay nagkaroon ng pangkalahatang pagtitipon ang LHCN sa lungsod Cebu upang pagtibayin ang Cebu protocol at pagsisimula ng pagdiriwang ng Kasarinlang Pilipino simula 2023 hanggang 2027. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng Kabansa mula sa Tayabas, Palawan, Cavite, Santa Rosa, Marinduque at iba pa upang magplano ng mga kasunod na gawain bilang suporta sa NHCP at LHCN.

Ang kasunod sa serye ng Kabansa ay ibabahagi naman ni Bro. Manuel Paharillo ng De La Salle Lipa sa darating na Agosto 17 tungkol sa “Dateline June 7-18, 1898 Lipa falls to the Philippine Revolutionary Forces. Ang nasabing webinar ay padadaluyin ng Center for Batangas Studies ng DLS Lipa. Gayundin ang huling magbabahagi para sa Buwan ng Kasaysayan ay buhat naman sa La Salle Greenhills sa Agosto 24. Maglalahad si Prof. Estelita Llanita ng kanyang pananaliksik, “Ang Dalawang Mukha ng 1989 Kudeta.”

Ang tema ng Buwan ng Kasaysayan ngayong taon ay “Kasaysayan, Kamalayan, Kaunlaran.” Samantala, kasabay ng pagdiriwang nito ang Buwan ng Pambansang Wika at ika-55 na pagkakatatag ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN). Kaugnay nito ang katambal na serye ng Atagan (Alternatibong Tahanan ng mga Akda at Gawang Nasaliksik) katuwang ang Lopez Heritage Conservation and Historical Society, Konseho ng Herencia ng Lucena at Lucban Historical Society. Nang nakaraang Agosto 1, nakasama si Ms. Gem Saguitan San Jose tungkol sa 165th Foundation day ng Lopez, Quezon. At nitong Lunes, Agosto 8 ay tungkol naman sa Araw ng Lucena kasama si Vladimir Nieto. May tatlo pang episode sa Agosto 15, 22 at 29 kasama sina Albert Vincent Barretto, Cornelio Rañeses at Arjay Targa tungkol sa ika-3 at 4 na distrito ng Quezon, Simbahan ng Lucban at Panahong Hapon sa Calauag, Quezon.

Kabilang din sa iba pang gawain ngayong Buwan ng Wika, ang pangkalahatang asembliya ng mga miyembro-affiliate ng Local Historical Committees Network (LHCN) ang MSC Sentro ng Wika at Kultura sa Lungsod Cebu noong Agosto 3-5. Gayundin, kasama ang Tertulyang Pangwika sa Mariano Marcos State University sa Agosto 18. Abangan din ang Tertulyang Pangwika ng MSC sa Agosto 29-31 tampok ang ika-70 anibersaryo ng MSC kasama sa Institute of Arts and Social Sciences (IASS) Kolokyum ang mga mananaliksik, guro at mag-aaral ng BS Social Work, BA English Language Studies at BA Communication. Magsisilbing panlista ang mga miyembro ng SWK Marinduque sina Bryan Viray, Seiji Sugimoto at John Robert Reginio.