
Boac, Marinduque – Muling nakikiisa ang Marinduque State College (MSC) Sentro ng Wika at Kultura sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Ang tema ngayong taon, batay sa Komisyon sa WIkang Filipino (KWF) ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.”
Bilang bahagi ng nabanggit na pagdiriwang, magdaraos ang ang MSC Sentro ng Wika at Kultura ng Tertulyang Pangwika para sa MSC@70 sa darating na Agosto 29-31. Ang “Kolokyum tungkol sa Paglikha at Pagtuklas” ay pagpapatuloy ng palagiang ginawa ng MSC Institute of Arts and Social Sciences (IASS) na dati ay kilala rin sa School of Arts and Sciences (SAS) mula noong 1995 at School of Liberal Arts (SLA) hanggang 2014. Tampok ang mga saliksik at mga mungkahi mula sa BS Social Work, BA Communication at BA English Language Studies. Ang mga panel na magbibigay ng talakay ay sina Bryan Viray na visiting researcher mula sa Australian University, Seiji Sugimoto na mula sa Far Eastern University at si John Robert Reginio ng Marinduque State College na bahagi ng MSC Sentro ng Wika at Kultura bilang mananaliksik.
Samantala, kamakailan ay naimbitahan ang MSC Sentro ng Wika at Kultura sa Pambansang Seminar-Worksyap sa Pananaliksik sa Kalinga State University nitong nakaraang Hulyo 27-29 sa Lungsod ng Tabuk. Kasama ni Dr. Randy Nobleza ng MSC Sentro ng Wika at Kultura si Dr. Renato Maligaya ng Center for Batangas City ng De La Salle Lipa. Naghati sila sa kantitatibo noong ikawalang araw at kwalitatibong pananaliksik sa unang araw habang nagsilbing tagapagpadaloy ng paglalahad ng mga kalahok online at on-site sina Dr. Reynelle Bren Zafra at Dr. Diana Nobleza sa nasabing seminar-worksyap sa Golden Berries Convention Center.
Pagkatapos bumaba mula Kalinga ay diretso naman sa episode 65 ng Kalinangang Bayan sa radyo Biñan, Royal Cable at social media ng Artist Inc ang MSC Sentro ng Wika at Kultura Direktor kung nagtalakay siya tungkol sa PostMarcopper Disaster noong Hulyo 30. Mula sa malakas na lindol sa Rehiyong Iluko, nagkaroon ng palitan sa epekto ng sakuna, natural man o gawa ng tao (Anthropogenic). Pinalabas muli ang recorded na dulang “Multo ng Isla” na tampok sa Bagong Bilang ng PETA bago ang pambansang halalan.
Kabilang din sa iba pang gawain ngayong Buwan ng Wika, ang pangkalahatang asembliya ng mga miyembro-affiliate ng Local Historical Committees Network (LHCN) ang MSC Sentro ng Wika at Kultura sa Lungsod Cebu sa Agosto 3-5. Gayundin, kasama din sa serye ng webinar ng Kabansa ang Panimulang Araling Pang-isla at Kapuluan sa Agosto 10 at Tertulyang Pangwika sa Mariano Marcos State University sa Agosto 18. Abangan ang mga nanalo sa pagkilala ng KWF sa mga mananaysay at makata ng taon, kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan na nagkamit ng Gawad Selyo ng Kahusayan sa Wika at Kultura maging Kampeon ng Wika bago matapos ang Buwan.