Unang Birtwal na Pagtanggap ng MSC Litera Club ginawa noong Mayo 1By Rizalyn Magno

Boac, Marinduque—Isinagawa ng Litera ang kanilang unang birtwal na pagtanggap sa kanilang mga bagong miyembro gamit ang Google Meet noong Mayo 1, Sabado, 2:00 n.h. Pinangunahan ito ng mga gurong miyembro ng club na sina Bb. Rizalyn Magno, G. John Earl Manlisis, at G. Vince Justin Roland Madriaga. Gayunrin, dumalo at nakiisa ang direktor ng Marinduque State College (MSC) Kalinangan at Sining, si Dr. Randy T. Nobleza, at ang kanilang panauhin, ang manunulat at playwright ng “Getsemani”, G. Rex Sandro Nepomuceno. Nagpaabot rin ng kanyang mainit na pagbati si G. Emmanuel Jayson Bolata, mananaliksik, guro, at manunulat mula sa Unibersidad ng Pilipinas.

Sinimulan ang birtwal na Meet and Greet sa pagpapakilala ng lumang miyembro ng club na mga guro at mananaliksik sa probinsiya, at sinundan ng pagpapakilala ng mga bagong miyembro na sina: Bb. Vianca May Narito, Bb. Ching Mae Larrobis, Bb. Zaillen Jasmin, Bb. Vinshane Roldan, Bb. Mae Celine Marimon, Bb. Irish Valenzuela, Bb. Realyn Ramiro, at Bb. Edraline Mongoc.

Inilahad rin ni Dr. Nobleza ang mga proyekto at gawaing napagtagumpayan ng Litera club at ng MSC Kalinangan at Sining noong mga nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan. Ani rin niya, maraming oportunidad ngayon ang naghihintay sa Litera club at kasama rito ang mga webinar at workshops, at paglilimbag ng mga antolohiya. Nais rin ng direktor na buksan ang samahan sa pakikipagbuklod sa mga gawaing pampanitikan kasama ang malalaking unibersidad sa bansa at mga paham sa larangang ito.