Boac, Marinduque – Billing paghahanda sa pagsisimula ng Kuwaresma noong Pebrero 22, Miyerkoles ng Abo ay nagkaroon ng ilang mga gawain sa unang linggo nito. Nagkaroon ng buling, nobisyo/a at daan ng krus.

Sa bisperas ng Miyerkoles ng Abo, nagkaroon ng Buling o Rito ng Pagsunog ng Palaspas. Hudyat ito ng pag-aalaala sa alabok kung saan nagmula at babalik. Ayon sa Kura Paroko ng Banal na Puso ni Hesus, Fr. Jojie Mangui, ang Buling (Rite of Burning of Palms) ay nagmula sa biblikal na basehan sa  Gen. 3:19, “Remember that you are dust and to dust you shall return.”

Samantala, sa Parokya ng Banal na Puso ni Hesus ang naging iskedyul ng pagpapahid ng abo sa noo, sa parokya ay 5:30 ng umaga, Buliasnin ay 7nu, Maligaya ay 8:30nu, Pili ay 9:30nu, Lupac ay 2 ng hapon, Tabigue ay 3nh, Tabi ay 4nh, sa parokya uli ng 5nh at ang huli ay sa Balogo ng 6nh. Nagkaroon din ng pagpapahid sa noo ng abo sa tulong ng mga lay minister: sa Poras Elementary School ay 8nu, Lupac ES ay 8nu, Buliasnin ES ay 8nu, Maligaya ES ay 9.30nu at sa Pili-Balogo ES ay 10nu.

Naging tampok rin ang pagtatalaga ng mga novicia/o para sa taong 2023. Batay sa Pamamanata ng Nobisyo at Nobisya. Ani nga ni Fr. Mangui, “Ang pagnonovicio at pagnonovicia ay isang natatanging pamamanata na matatagpuan sa Lalawigan ng Marinduque sa panahon ng Kuwaresma at Mahal na Araw. Ang pamamanatang ito ay tumatagal ng 40 araw.” Dagdag pa niya, “Sa mga nakalipas na panahon, ang nagnonovicio at nagnonovicia ay ang mga magkatipan na malapit nang magpakasal. Ang 40 araw ay ginagamit na pagkakataon upang sila’y hubugin sa buhay kristiyano lalo’t higit sa buhay pag-aasawa.”

Batay pa sa paliwanag ng kura paroko, dumating ang panahon na ang pagnonovicio at pagnonovicia ay nafocus sa mga kabataan kung saan ang paghuhubog ay “Total Human Formation.” Maraming kabataan ang nahikayat upang magnovicio at novicia. Sa ilang mga pagkakataon, ang pagnonovicio at pagnonovicia ay naging paghahanda din sa pagiging Hermano at Hermana ng Simbahan. Samakatuwid, mapabata o mapamatanda, ang pagnonovicio at pagnonovicia ay nagiging daan ng paghuhubog sa pagiging lider ng Simbahan. May iba’t iba din namang kadahilanan kung bakit may namamanata bilang novicio at novicia.

Ipinakilala rin sa madla at tagasamba ang mga apostoles, kasama ng mga nobisyo/a at nagsagawa ng Daan ng Krus sa una linggo ng Kuwaresma. Karagdagan pa sa mga kaganapan sa unang linggo ng Kuwaresma ang idinaos sa Diyosesis ng Boac, ang “Developmental training” ng mga voluntir at miyembro ng Batayang Pamayanang Kristiyano noong Pebrero 18 at 19 sa simbahan ng Brgy. Poras.